Hati ang opinyon ng ilang mga Pangasinenses kuagnay sa panukalang Senate Bill 2534 o ang P100 across the board na umento sa sahod.
Matatandaan na sinimulan na itong tinalakay sa plenaryo na nagmula sa consolidation ng Senate Bill 2002 na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Bill 2018 ni Senator Ramon Revilla Jr.
Saklaw ng nasabing dagdag sahod ang lahat ng minimum wage earners sa bansa at may layong mapataas ang kita ng mga manggagawa kasabay ng nararanasang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bagamat ayon sa ilang nakapayam ng IFM News Dagupan, kung itataas daw ang sahod ay tiyak na tataas din lalo ang presyuhan ng mga bilihin sa merkado, bilang ito ang magiging pantugon ng mga kompanyang nagpapatupad kung sakali ng umentong P100.
Dagdag pa ng mga ito, bagamat maganda itong pakinggan ay mas mainam daw sa kanila kung nasa average na sahuran at nasa katamtaman lang ang presyo ng mga BNPC sa pagsasaalang-alang umano ng kalagayan ng inflation rate sa bansa.
Nagpahayag din kaugnay nito si President Javellana ng United Filipino Consumers and Commuters, na kakainin lamang ng mataas na presyo ng bilihin ang dagdag sahod.
Habang ilang mga Pangasinense rin ang sinang-ayunan ang dagdag sahod dahil malaking tulong daw ito para sa kanila lalo sa panahon ngayon.
Samantala, kung tuluyang maisabatas ang naturang Senate Bill, nasa higit apat na milyong manggagawa ang mabebenipisyuhan nito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨