Friday, February 6, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞 𝗦𝗔 𝗜𝗕𝗔’𝗧 𝗜𝗕𝗔𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗦𝗢𝗡𝗚 𝗞𝗥𝗜𝗠𝗜𝗡𝗔𝗟, 𝗡𝗔𝗗𝗔𝗞𝗜𝗣 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗢𝟮 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗖𝗟𝗘𝗢


Cauayan City – Sunod-sunod na naaresto ang iba’t ibang suspek sa pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ng Police Regional Office 2 (PRO2) na isinagawa mula January 29 hanggang February 4, 2026 sa buong Rehiyon 2.

Sa operasyon laban sa Most Wanted Persons, siyam na indibidwal ang naaresto habang nadakip din ang 81 pang wanted persons sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Labintatlong suspek naman ang naaresto sa 11 operasyon kontra iligal na droga. Nasamsam sa mga operasyong ito ang 25.86 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱169,925 at 34.1 gramo ng marijuana na may halagang ₱4,855.

Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, 14 katao ang naaresto sa tatlong magkakahiwalay na operasyon.

Samantala, anim na indibidwal ang nadakip sa anim na operasyon laban sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kung saan anim na baril ang nakumpiska.

Bukod dito, 16 na baril at dalawang pampasabog ang boluntaryong isinuko at narekober sa tulong ng komunidad bilang bahagi ng kampanya kontra loose firearms.

Sa pagpapatupad ng Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines, sampung indibidwal ang naaresto sa siyam na operasyon kaugnay ng iligal na pagtotroso. Nasamsam din ang 4,095.3 board feet ng iligal na kahoy na may tinatayang halagang ₱257,709.28.

Patuloy ang isinasagawang operasyon ng pulisya laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad upang mapanagot sa batas ang mga lumalabag at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa buong Rehiyon 2.
————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments