
CAUAYAN CITY – Makakatanggap ngayong taon ng kabuuang P30M aid fund ang lalawigan ng Nueva Vizcaya mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Head Fernando Bainto, ilalaan ang pondo sa programang Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) na magsisilbing tulong sa mga residente ng lalawigan na nangangailangan.
Dagdag pa ni Bainto, ang pondong ito ay ipapamahagi sa mga Novo Vizcayano mula sa iba’t ibang bayan sa buong lalawigan.
Nagpasalamat naman si Gov. Jose Gambito kay Pangulong Marcos, at sinabi nitong hindi lamang sa AICS mapupunta ang pondo, kundi pati na rin sa iba pang mga programa ng gobyerno tulad ng educational support para sa mga college students, employment programs, at financial assistance para sa mga LGBTQ at senior citizens.
Samantala, noong nakaraang taon, nagbigay si Pangulong Marcos ng P50M sa lalawigan ng Nueva Vizcaya bilang typhoon relief fund, kung saan tinulungan ang mahigit 13,000 Novo Vizcayano.