
CAUAYAN CITY – Inanunsyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nalalapit na paglulunsad ng Oplan Bantay Padala, isang public complaints portal na naglalayong tugunan ang dumaraming reklamo laban sa mga courier services sa bansa.
Ayon sa DICT, layunin ng programa na bigyang-solusyon ang mga karaniwang hinaing ng mga mamimili tulad ng mga nawawalang parcel at matagal na status na “out for delivery”.
Sa pamamagitan ng bagong portal, maaari nang magsampa ng reklamo ang publiko online habang nananatiling anonymous ang kanilang impormasyon.
Sa ilalim ng Oplan Bantay Padala, maaaring isagawa ang paghahain ng reklamo sa opisyal na website ng DICT, samantala maaari ring makita kung ito’y natugunan ng kinauukulang courier, at bukod dito, makikita rin ang resulta sa isang pampublikong dashboard.
Makikita rin sa dashboard ang bilang ng reklamo kada courier, estado kung ito ba ay naresolba o hindi, at makikita rin ang buwanan o quarterly na statistics nito.
Inaasahan ding maisama sa mga susunod na update ang datos tungkol sa response time ng mga courier.
Ayon sa ahensya, makatutulong ang naturang sistema upang magkaroon ng mas malinaw na pananagutan ang mga delivery service providers.
Hindi na lamang umano ito magtatapos sa simpleng “noted” na tugon, kundi magkakaroon ng mas konkretong monitoring.
Makikinabang sa naturang portal ang ilang mga Consumers, Courcier Companies, at ilang Online Shopping Sector.
Mula sa naunang “Oplan Bantay Signal,” pinalalawak ng DICT ang saklaw ng kanilang monitoring initiatives upang isama ang sektor ng courier at logistics.
Samantala, inaasahan ng ahensya na mailulunsad ito sa lalong madaling panahon.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan









