
CAUAYAN CITY – Sumiklab ang isang sunog sa Basco Central School sa Basco, Batanes kahapon, ika-16 ng Marso taong kasalukuyan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Batanes, bandang 12:42 ng tanghali nang maiulat sa kanilang tanggapan ang insidente.
Agad naman umano silang rumesponde subalit pagdating sa lugar, malaki na umano ang sunog kung saan natupok ng apoy ang dalawang gusali ng Gabaldon Building sa nabanggit na paaralan.
Dahil dito, nagtaas ang BFP ng General Alarm at kinakailangan na ang tulong ng lahat ng fire stations sa Isla ng Batan.
Maging ang mga guro at mga residente ay tumulong na rin sa pagsalba ng mga gamit sa mga silid-aralan tulad ng mga aklat, papeles, upuan at iba pa.
Dagdag pa ng BFP, pahirapan sa pag-apula ng apoy dahil sa malakas na hangin, subalit naapula rin ang sunog bandang 3:38 ng hapon.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang BFP upang matukoy ang posibleng sanhi ng sunog.
Samantala, nagpatawag naman ng Emergency meeting ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa pangunguna ni OIC Governor Ignacio Villa kasama ang mga opisyal ng DepEd, School Heads, at LGU Basco upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin lalo na sa lagay ng klase sa paaralan.