𝗣𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗕𝗔𝗕𝗔 𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗥𝗜𝗣𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗜𝗚𝗔𝗦, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢 𝗠𝗔𝗞𝗔𝗧𝗨𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗕𝗔𝗕𝗔 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗘𝗦𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗕𝗜𝗚𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗣𝗜𝗟𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗦

Hindi umano makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa bansa ang pagpapababa ng taripa nito. Ito ang pahayag ni Samahan ng Industriya ng Agrikultura o SINAG Chairman Rosendo So.

Ayon sa kanya, dahil sa layuning mapababa ang presyo ng bigas, umugong ang usapin sa pag-amyenda ng Rice Tarrification Law, pababain ang tariff mula 35% hanggang 15%. Aniya, malabo pa ang target ng gobyerno na 29 pesos kada kilo ng bigas, na maisakatuparan dahil ang pagpapababa ng presyo ay hindi sa pag-amyenda ng RTL.

Samantala, dagdag pa ni Engr. So, kahit na mas mababa ang taripa ng mga iniimport na bigas na nasa 15% lamang, papatak pa rin sa 52-56 pesos ang presyo nito.

Aniya, kung nais nilang mapababa talaga ang presyo ng bigas, kailangan ay 13 pesos ang farmgate price ng palay kada kilo o 15 pesos naman sa dried palay. Gayunpaman, posible umanong hindi na magtanim ang magsasaka, kung ganoon kababa ang presyo ng palay, dahil mababawasan ang kanilang pinagtatamnan at sila ay posibleng malugi.

Sa ngayon, hindi pa rin bumababa ng husto ang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan. At, kamakailan, ayon sa pagsusuri ng United States Department of Agriculture, nanguna muli ang Bansang Pilipinas sa pagiging top rice importer. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments