Naging mainit ang deliberasyon ng inihaing ordinansa ukol sa pagtatatag ng isang primary care facility para sa mga bilanggo sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology Dagupan.
Nakapaloob sa Draft Ordinance No. 0-878, inaanyayahan maging ang mga lokal na pamahalaan ng mga bayan ng Mangaldan, Manaoag, San Fabian, San Jacinto, Calasiao at Sta. Barbara sa pamamagitan ng kanilang Sangguniang Bayan na makibahagi sa pagsuporta sa naturang ordinansa.
Nagpahayag naman ng saloobin ang minorya ukol sa tamang proseso at protocol pagdating sa kung sino ang nararapat na pagsanggunian ng alin mang ordinansa na inihahain.
Inihayag naman ng mayorya ang kahalagahan ng naturang pasilidad upang matulungan na mabigyan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng nararapat na serbisyong pangkalusugan kahit pa nasa loob ng piitan ang mga ito.
Samantala, aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa na may pag-amyenda ang naturang ordinansa sa kapakanang pangkalusugan ng mga Pangasinense sa loob ng BJMP Dagupan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨