CAUAYAN CITY- Naghahanda na ang hanay ng Palanan Airport sa pagdagsa ng mga pasahero sa muling pagbabalik ng kanilang operasyon sa mga susunod na araw.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Liuetenant Ricardo Lappay, Officer-in-charge ng Palanan Airport, nasa tatlong araw ng suspendido ang operasyon sa naturang paliparan dahil sa Bagyong Marce.
Aniya, maraming pasahero na bumisita sa mga sementeryo upang dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay noong nakaraang undas ang hindi nakauwi dahil sa pagkansela ng flights.
Kabilang sa paghahandang isinasagawa nila ay ang paglilinis sa bisinidad lalo na at maraming dahon at sanga ang nalaglag dulot ni Bagyong Marce.
Dagdag pa niya, nakahanda naman ang kanilang hanay sa pag-responde sa mga posibleng search and rescue operation na isasagawa ng mga otoridad.
Samantala, mariing pinaalalahanan ni PLT Lappay ang mga pasahero na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na kontrabando sa paliparan upang hindi maantala at maabala sa byahe.