Binigyang pagkilala ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang mga programa at aktibidad sa ngalan ng serbisyo publiko na ipinamalas ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas Pangasinan Chapter sa mga nagdaang aktibidad na idinaos sa lungsod. Ito ay matapos niyang pangunahan ang panunumpa sa katungkulan ng mga nahalal na opisyal ng KBP ngayong taon.
Pahayag ng alkalde, malaking bahagi ang ginampanan ng mga media practitioners na kaisa ng KBP sa Pangasinan na makapag ipon ng abot isang milyon na bisita sa katatapos lamang na Bangus Festival 2024.
Kaugnay nito, ipinahayag din ng alkalde ang kasiguraduhan ng tamang impormasyon mula sa mga participating member stations ng KBP sa kabila ng pangunahing dilemma na kinakaharap ng karamihan pagdating sa mga naglipanang posts sa social media.
Umapela rin ang alkalde sa mga broadcaster sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko lalo na tungkol sa disaster awareness at preparedness. Katunayan, hinihikayat niya ang mga ito na makiisa sa on-the-ground training na isasagawa ng CDRRMO sa plano nitong ipatupad na barangay evacuation tuwing may sakuna. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨