
Cauayan City – Nananawagan ng tulong ang isang pamilya sa Brgy. Villa Luna, Cauayan City, Isabela matapos silang masunugan noong Martes, ika-10 ng Pebrero.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Ginang Gina Agustin, 45-anyos, at ang siyang may-ari ng bahay, nagsimula ang sunog sa loob ng isang kwarto sa kanilang bahay.
Kaagad naman itong naapula sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kanilang mga kapitbahay subalit hindi nakaligtas sa sunog ang mga gamit na nasa loob ng kwarto.
Kabilang sa mga nasunog ay ang mga gamit ng kanyang nag-aaral na anak, mga mahahalagang dokumento katulad ng birth certificates, at ang mga requirements ng isa pa nitong anak sa paga-apply para maging OFW.
Maliban dito, nasunog rin ang P8000 cash na gagamitin sana ng anak nito sa pagluwas sa Maynila para sa kanyang paga-abroad, at ang P5000 na allowance ng kanyang nag-aaral na anak.
Dahil dito, lumalapit ngayon si Ginang Agustin sa mga indibidwal na nagnanais magpaabot ng tulong sa kanila, lalung-lalo na sa dalawang anak na nag-aaral at nangangarap mangibang bansa.
Samantala, palaisipan pa rin sa kanila kung saan posibleng nagmula ang sunog lalo pa’t wala namang saksakan malapit sa pinagsimulan ng sunog at wala ring wire sa labas ng kwarto.
Ipinagpapasalamat naman ni Ginang Agustin na sa kabila ng nangyari, walang nasaktan sa nangyaring insidente.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










