Sa pagsapit ng bagong taon, umaasa ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na mas mapasisigla pa ang ekonomiya.
Kabilang sa iba’t-ibang proyekto ng gobyerno na tututukan ay ang pagpapatayo o pagsasagawa ng mga infranstructures, seguridad sa pagkain, at maging ang salik pangkalusugan.
Isa sa mga proyekto ang pagpapasinaya sa paggawa ng Pangasinan Link Expressway Phase 1, ngayong taon. Ayon sa gobernador ng lalawigan, ang naturang proyekto ay inaasahang mapabilis ang pagbyahe sa iba’t-ibang bahagi sa lalawigan na makakatulong sa ekonomiya at turismo nito.
Dagdag pa nila, na umaasa silang mas marami pang Private Public Partnership (PPP) at Joint Venture (JV) ang papasok ngayong taon, dahil dito ay makakaenganyo diumano ng mas marami pang investors na makikibahagi sa pagsasagawa ng iba’t-ibang proyekto sa lalawigan.
Pagdating naman sa seguridad ng pagkain, iba’t-ibang programa rin ang naumpisahan na at nakaantabay. Kabilang na riyan, ang pagpapalago ng salt farming sa lalawigan. Ilan pa sa mga ito ay ang corporate farming program, Rice-to-Rise Program, at mga skills training program para sa mga residente sa lalawigan.
Sa salik naman ng pangkalusugan, pananatilihin at pagbubutihin pa diumano ng pamahalaang panlalawigan ang pag-abot sa mga nasasakupan nito, sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) at Financially Incapacitated Patients program na parte rin ng programa ng bansa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨