
Cauayan City – Sa kabila ng maulang panahon, pormal ng binuksan ngayong araw, ika-8 ng Enero ang Aparri-Camalaniugan Mega Bridge sa bayan ng Cagayan.
Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa lugar upang pangunahan ang pagbubukas ng nabanggit na tulay. Matatandaang buwan ng Oktubre noong nakaraang taon nang huli itong bumisita sa lugar upang inspeksyonin ang Aparri-Camalaniugan Mega Bridge.
Ang higit 2km Aparri-Camalaniugan Bridge Project ay magsisilbing alternatibong ruta ng Magapit Suspension Bridge, ang natatanging tulay na ginagamit sa pagtawid sa Cagayan River patungo sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Makatutulong ang tulay na ito upang mabawasan ng nasa isang oras hanggang 20 minutong biyahe sa pagitan ng Aparri at Ballesteros, Cagayan. Inaasahan rin na mabebenisyohan nito ang nasa 6000 biyahero araw-araw.
Sa naging mensahe ni PBBM, kanya umanong ikinatutuwa na natapos ang tulay sa tamang oras at nagamit rin ang higit P2-B na pondong inilaan para rito.
Sinabi rin nito na sa pamamagitan ng tulay, magbabago ang ekonomiya ng mga lugar sa magkabilang bahagi ng tulay dahil tiyak na maraming oportunidad ang nagbubukas.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan








