
Cauayan City – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. ang panukalang paglipat sa Trimestral na school calendar na ipatutupad sa Academic Year 2026- 2027.
Batay sa inilabas na impormasyon, layunin ng pagbabago na mas mapabuti ang daloy ng pag-aaral ng mga estudyante at maayos ang iskedyul ng akademikong taon sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng trimestral na Sistema, hahatiin ang school year sa tatlong termino, taliwas sa kasalukuyang quarterly setup na sinusunod ng maraming paaralan.
Magsisimula ang First Term bandang Hunyo hanggang Setyembre.
Samantala papasok naman ang Second Term bandang Setyembre hanggang Disyembre ng taon.
Bukod pa rito, ang umpisa naman ng Third Term ay sa Enero hanggang Marso.
Ito ay magkakaroon ng 201-day school year at mahahati ito sa tatlong termino.
Bawat termino ay mayroong 54 hanggang 61 na araw ng klase.
Inaasahang makatutulong ang nasabing hakbang upang mabawasan ang academic load kada termino at mabigyan ng mas maayos na pahinga ang mga mag-aaral at guro sa pagitan ng mga termino.
Gayunman, wala pang detalyadong guidelines na inilalabas ang mga kinauukulang ahensya kaugnay sa implementasyon nito, kabilang ang eksaktong iskedyul at transisyon mula sa kasalukuyang Sistema.
Patuloy naming hinihintay ng publiko ang karagdagang anunsyo mula sa Department of Education hinggil sa buong detalye ng bagong school calendar.
Photo Courtesy: RMN Networks










