Pinag-iingat ngayon ang publiko ng lokal na pamahalaan ng Dagupan sa posibleng paglabas sa lungga ng mga ahas dulot ng nararanasang mataas na temperatura o tag-init.
Maaari kasing magsilabasan ang mga ahas ngayon partikular na ang mga cobra dahil maghahanap ang mga ito ng malamig na lugar sa labas o sa loob man ng mga tahanan.
Payo ng awtoridad na mainam umano kung huwag hayaang nakabukas ang pinto ng bahay lalo sa gabi dahil maaaring makapasok ang mga ahas.
Tignan din mabuti ang mga sinisilungang puno at paligid maging iwasan rin ang madalas na pamamalagi sa mga madilim at masukal na parte ng lugar na malapit sa inyong tahanan.
Linisin rin umano ang mga madamong parte sa inyong mga bahay na posibleng pagtaguan ng mga ahas.
Kung sakali man na makakita ng ahas ay huwag itong lalapitan agad dahil makamandag at mas mainam na sumangguni na lamang sa eksperto para hulihin.
Samantala, kilala ang mga ahas partikular na ang mga cobra bilang mga agresibong uri ng wildlife sa tuwing mainit ang panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨