
Cauayan City – Nakatanggap ng kabuuang ₱13 milyon na sahod ang mahigit 2,000 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.
Pinangunahan ng DOLE Isabela ang isinagawang face-to-face payout mula Pebrero 10 hanggang 12, 2026 sa mga bayan ng Ramon, Luna, Mallig, Delfin Albano, Quezon, Sto. Tomas, Benito Soliven, at sa Santiago City.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-₱5,000 kapalit ng sampung araw na pagtatrabaho kung saan nagsagawa sila ng paglilinis sa kanilang mga barangay, pagtatanim ng gulay, at pagkukumpuni ng ilang pasilidad pangkomunidad.
Nagpasalamat naman ang mga tumanggap ng ayuda at sinabing malaking tulong ang kanilang natanggap na sahod upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang TUPAD ay isang community-based emergency employment program na naglalayong magbigay ng pansamantalang hanapbuhay sa mga disadvantaged workers, partikular sa mga apektado ng krisis at kakulangan sa oportunidad sa trabaho.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










