Hinimok ang mga residente sa bayan ng Lingayen sa pansamantalang pamamahala ng kanilang mga basura dahil sa tuluyang pagsasara ng Metro Clark Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac na siyang pinaglalagakan ng mga naiipong basura ng bayan.
Sa darating na October 7, araw ng Lunes, hindi muna tatanggap ng mga basura ang Central Materials Recovery Facility ng bayan na natagpuan sa Brgy. Quibaol.
Inabisuhan ang mga residente na gawin ang pagsesegregate sa mga basura upang maayos ang disposal, maging ang posibleng paghuhukay sa lupa ng mga nabubulok ng basura.
Para sa mga residual waste, ilagay sa sako, talian at ilagay muna pansamantala sa mga bakuran. Bilang pagtugon, kasalukuyang nang pinoproseso ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang papeles na kinakailangan upang mailipat na sa Metro Waste Sanitary Landfill Urdaneta City ang paglalagyan ng mga basura.
Hiling ng LGU ang kooperasyon at pagkakaisa ng mga residente kaugnay sa naturang sitwasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨