Bumuo na ng task force ang lungsod ng San Fernando sa probinsya ng La Union kasama ang iba pang ahensya laban sa African Swine Fever (ASF).
Ito ay matapos ang naitalang unang kumpirmadong kaso ng African Swine Fever sa lungsod.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan, Nilinaw dito na kabuuang apatnapu’t-walo (48) na mga baboy mula sa ilang tukoy na barangay ang nagpositibo sa nasabing sakit. Sinabi ng lokal na pamahalaan, na katuwang ang Department of Agriculture, Pamahalaang Panlalawigan ng La Union, Philippine National Police – San Fernando City, La Union, at Barangay Officials sa naturang task force upang imonitor ang kalagayan ng lungsod sa banta ng ASF.
Alinsunod dito, ilang mga kautusan sa hog raising ang striktong ipapatupad tulad ng pagbabawal sa pagkatay ng mga baboy sa barangay, pagbabawal sa mga meat peddlers o mga nagbebenta ng karne sa bisinidad ng mga barangay.
Ang mga baboy din sa loob ng 500-meter radius (mula sa pinagmulan ng ASF) ay hindi papayagang ilabas mula sa quarantine area. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨