
Cauayan City – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) Ilagan laban sa mga pekeng investment schemes, pyramiding, at iba pang scam na kumakalat sa social media.
Ayon kay Ramon King Ballesteros, SEC Securities Specialist II, lahat ng investment ay may kaakibat na panganib kaya kailangan ang secondary license upang masuri ang risk appetite ng mga investor at malaman kung anong investment ang angkop sa kanila.
Karaniwan, ang mga scammers ay nangangako ng mataas na kita ngunit walang totoong investment na nangyayari.
Upang makapag-withdraw ng pera ang naunang investor, nagrerecruit sila ng mga bagong tao na mag-invest, at ang kanilang kontribusyon ang ginagamit para bayaran ang naunang investors.
Humihinto lamang ang ganitong scheme kapag bumaba na ang bilang ng investors o marami nang nag-withdraw at nauubos na ang pondo ng korporasyon.
Nagbabala rin ang SEC laban sa mga fake jobs o fake task orders sa Facebook, Viber, at Telegram na nagrerequire ng paunang bayad. Ayon sa ahensya, ng mga lending companies na humihingi ng advance fee bago makapag-loan ay bawal, at kadalasan ay bigla na lamang nawawala ang kanilang website o app.
Ayon naman kay Atty. Fiels Dominique Gamboa, SEC Ilagan Securities Counsel, dapat laging i-verify kung lehitimo ang investment schemes. Aniya, kahit rehistrado ang isang korporasyon sa SEC, hindi ito nangangahulugang lehitimo ang investment offer kung kaya’t kailangan pa rin ang secondary license para legal na makapag-alok ng investment sa publiko.
Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa SEC sa pamamagitan ng ticketing system sa imessage@sec.gov.ph, o sa personal na pagpunta sa tanggapan ng SEC sa Ilagan.
Puwede ring lapitan ang mga ahensya ng NBI o PNP para sa agarang imbestigasyon.
Pinayuhan ang lahat na maging mapanuri at bantayan ang mga red flags ng scam at mga smooth moves ng mga pekeng operator.










