
Cauayan City – Iginiit ng San Manuel Municipal Police Station (MPS) na nananatiling matatag ang seguridad at kaayusan sa bayan sa kabila ng naganap na insidente ng pagpaslang sa Brgy. Cabaritan.
Ayon sa pamunuan ng pulisya, ang naturang kaso ay isang isolated o hiwalay na insidente at walang direktang kinalaman sa pangkalahatang peace and order situation sa San Manuel.
Sa kasalukuyan, ito ay sumasailalim na sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at mapanagot ang mga responsable.
Binigyang-diin ng MPS na ang patuloy na katahimikan sa bayan ay bunga ng masiglang koordinasyon sa pagitan ng kanilang Higher Headquarters, Provincial Headquarters, at ng lokal na pamahalaan.
Tuluy-tuloy ang 24/7 na pagpapatrolya at pagpapatupad ng mga programang pangkatiwasayan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Tiniyak din ng kapulisan na hindi sila magpapabaya sa kanilang mandato na ipatupad ang batas at pangalagaan ang komunidad.
Samantala, hinihikayat ng pulisya ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa sa social media.
Pinapayuhan ang lahat na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong balita na maaaring magdulot ng pangamba sa komunidad.
Source: San Manuel PS










