𝗦𝗠𝗨𝗚𝗚𝗟𝗘𝗗 𝗡𝗔 𝗦𝗜𝗚𝗔𝗥𝗜𝗟𝗬𝗢, 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗕𝗔𝗧 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜 𝗦𝗔 𝗝𝗢𝗡𝗘𝗦, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔



Cauayan City — Timbog ang isang lalaki matapos mahulihan ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Daligan, Jones, Isabela kahapon, ika-9 ng Enero.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Tano,” 45 taong gulang, residente ng Barangay Rosario, Santiago City. Siya ay dinakip dahil sa paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (NIRC) na inamyendahan ng Republic Act No. 11467, kaugnay ng ilegal na pagbebenta at pagdadala ng mga produktong tabako na walang kaukulang buwis.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant ang mga awtoridad kaugnay sa umano’y isang lalaking sakay ng motorsiklo, nakasuot ng asul na jacket at may dalang bag na naglalaman umano ng mga smuggled na sigarilyo patungong Jones.

Namataan ng mga operatiba ang motorsiklong tumutugma sa ibinigay na deskripsyon at ito ay pinara alinsunod sa umiiral na patakaran. Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan ang iba’t ibang brand ng sigarilyo. Nabigo ang suspek na magpakita ng anumang dokumento o resibo na magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at pagdadala ng mga nasabing produkto kaya’t agad siyang inaresto at ipinaalam ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.

Nakumpiska mula sa suspek ang 14 na rims ng HP cigarettes at 24 na rims ng NISE cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱15,200.

Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang sigarilyo sa himpilan ng Jones MPS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments