Nagtamo ng pasa sa mukha at pagdurugo sa isang mata ang videographer ng Pangasinan Information and Media Relations Office na si Jairus Sibayan dahil sa pananampal umano ni Urdaneta City Mayor Julio Parayno III.
Inireport ni Sibayan ang sinapit nito sa Kapulisan matapos ibigay ang Implementation of Preventive Suspension laban sa alkalde.
Sa salaysay ni Sibayan sa pulisya, sinubukan umanong agawin ng tauhan ng alkalde ang camera nito matapos matanggap ang naturang order at bigla na lamang sinampal nang tumanggi ito.
Bukod sa pananakit ay sapilitan din umanong inagaw ng alkalde ang storage card ng camera, bagay na ipinagtataka nito matapos umanong pumayag ang alkalde sa dokumentasyon ng aktibidad.
Sa pahayag ni Mayor Parayno III, mariin nitong itinanggi ang paratang na pananakit kay Sibayan ngunit inamin nitong pumayag siyang kuhanan ng litrato ang aktibidad ngunit nakiusap na hindi maaari ang video.
Nilapitan pa umano ng alkalde si Sibayan at pinasurrender ang storage card ng camera. Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng awtoridad ukol sa insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨