Pormal nang naghain ngayong araw ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng wage hike petition para sa mga manggagawa sa Northern Mindanao.
Sa petisyong inihain sa tanggapan ng wage board sa Cagayan de Oro City, humirit ang grupo ng ₱ 413 na dagdag sa kasalukuyang ₱ 365 daily minimum wage sa Region 10.
Sakop nito ang mga minimum wage earner sa mga probinsya ng Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Lanao del Norte at Camiguin kasama ang Cagayan De Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, Ozamiz, Oroquieta at Tangub.
Ayon kay TUCP Party-list Rep. Raymond Mendoza, kailangan ng kada indibidwal ng ₱ 61 para makakain ng masustansyang pagkain.
Pero batay sa kasalukuyang minimum wage sa rehiyon, nasa ₱ 13 na lamang ang budget per meal ng bawat miyembro ng pamilya.
Panawagan pa ng grupo sa wage board, bilisan ang paglalabas ng wage increase order dahil nalulunod na sa kahirapan at malnutrisyon ang mga Pilipino.
Nabatid na tatlong taon na ang nakalipas nang huling magpatupad ng ₱ 27 na taas-sahod sa rehiyon.