Aabot sa P150 milyun na halaga ng mga agricultural product ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) matapos inspeksyunin ang mga warehouse sa Metro Manila.
Nabatid na nadiskubre ang mga nasabing produkto sa 24 na warehouse mula sa Tondo at Binondo, Maynila gayundin sa Malabon City.
Nabatid na mas pinaigting pa ng BOC ang kanilang mga hakbang pata matigil ang agricultural smuggling sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Pawang mga sariwang sibuyas, bawang at iba pang agricultural products ang nadiskubre at kinumpiska ng Customs.
Nabatid na walang maipakitang dokumento ang mga may-ari ng warehouse kung saan ang iba sa kanila ay sinabing ipinalagay o ipinatago lamang ito sa kanila.
Katuwang ng Customs ang ilang tauhan mula sa kanilang tanggapan, PNP-CIDG at Philippine Coast Guard (PCG) ng ipatupad ang Letter of Authority (LOAs) para mainspeksyon ang 24 na warehouse.
Pansamantalang ipinasara ang mga warehouse at mga storage area kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa mga ito para hindi makalusot ang mga nasabat na produkto.
Ipauubaya naman ng Customs ang pagsasamapa ng kaukulang kaso sa Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) upang malaman kung paano ito nakapasok sa bansa at kung sino-sino ang kasabwat.