
Arestado ang isang 31-anyos na lalaki at nasamsam ang tinatayang ₱35,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Sual, Pangasinan, gabi ng Enero 14, 2026.
Sa ulat ng pulisya, bandang 11:30 ng gabi nang isagawa ng Sual Municipal Police Station, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na isang heavy equipment operator at residente ng Sual.
Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 5.2 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱35,360.00, na nakasilid sa isang plastic sachet.
Nasamsam din ang isang tunay na limang daang pisong marked money, siyam na piraso ng boodle money na tig-iisang libong piso, at isang android cellular phone.
Isinagawa sa mismong lugar ng operasyon ang marking at inventory ng mga ebidensya sa presensya ng mga itinatakdang saksi at ng suspek, alinsunod sa umiiral na batas.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at haharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.









