Humihirit ng ₱4.00 taas-presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ang isang grupo ng mga panadero.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Baking Industry Group President Prof. Johnlu Koa na sa administrasyong Duterte pa nila ito hiniling, pero nakiusap sa kanila si dating Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na iurong muna.
Habang, nagkasundo umano ang kanilang mga miyembro na huwag din muna ito isulong pagpasok ng administrasyong Marcos para makatulong na rin sa mataas na inflation rate sa bansa.
Pero, hindi na aniya nila kakayanin dahil tumaas na talaga ang kanilang mga gastusin.
Ayon kay Koa, hiling lang nila na gawing ₱42.50 ang presyo ng Pinoy Tasty mula sa ₱38.50, habang ₱27.50 naman ang presyo ng Pinoy Pandesal mula sa ₱23.50.
Dagdag pa ni Koa, una nang nagtaas ang presyo ng ibang tinapay lalo na yung wala namang suggested retail price (SRP) kung saan tanging Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal lang aniya ang nilagyan ng SRP ng DTI.