Wednesday, April 8, 2026

𝗕𝗔𝗚𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗚𝗢𝗟, 𝗜𝗡𝗔𝗕𝗔𝗡𝗗𝗢𝗡𝗔 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗟𝗜𝗞𝗨𝗥𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔

Cauayan City — Nailigtas ang isang bagong silang na sanggol matapos itong matagpuang iniwan sa loob ng palikuran sa Kasserek, Antutot, Kasibu noong Linggo, ika- 5 ng Abril.

Ayon sa ulat, naging mabilis ang pagresponde ng mga awtoridad sa tulong ng report ng isang concerned citizen.

Ayon sa salaysay ng saksi, sila ay nagmula sa La Trinidad, Benguet at patungo sana sa Logpond, Kongkong, Kasibu nang pansamantala silang huminto upang magpahinga at gumamit ng palikuran sa isang sari-sari store malapit sa Riverside.

Pagpasok sa palikuran, ikinagulat umano ng ginang nang tumambad sa kanya ang, isang sanggol na nakabalot ng tela na umaabot hanggang sa leeg at bunganga nito.

Agad niyang ipinaalam sa may-ari ng tindahan ang kanyang nakita. Kaagad nilang kinuha ang sanggol, binalutan ng maayos na tela, at dinala sa ligtas na lugar bago humingi ng tulong sa mga pulis na naka-duty sa Police Assistance Desk sa lugar.

Mabilis na tumugon ang mga tauhan ng Kasibu Police Station at ipinaabot ang impormasyon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na agad nagbigay ng paunang lunas sa sanggol bago ito dinala sa Kasibu Municipal Hospital para sa mas masusing pagsusuri at pangangalaga.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan, kabilang ang pagrerepaso sa mga CCTV footage sa paligid upang matukoy ang pagkakakilanlan ng ina o sinumang responsable sa pag-abandona sa sanggol.

Facebook Comments