Monday, April 27, 2026

“Quiet Diplomacy” na ginawa ni DFA Sec. Lazaro para matiyak ang pagdaan ng Philippine-flagged vessels sa Strait of Hormuz, pinuri at sinuportahan ng isang senador

Kinatigan ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang aniya’y “quiet diplomacy”ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro matapos na tiyakin ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga barko ng bansa, energy shipments at mga Pilipinong marino.

Idiniin ng senador ang kahalagahan ng kasunduan para sa pagtiyak ng suplay ng langis sa Pilipinas.

Sa post ni Lacson sa kanyang X account, ipinaabot nito ang kanyang papuri at pasasalamat kay Lazaro sa matahimik at epektibong pakikipagnegosasyon sa Iran para payagan ang pagdaan ng Philippine-flagged vessels sa Strait of Hormuz na naghahatid ng 80 hanggang 100 percent ng oil imports ng bansa.

Matatandaang noong Huwebes ay ibinalita ni Lazaro na nagkaroon siya ng “very productive” na pag-uusap sa telepono sa pagitan ni Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi at binigyang katiyakan na papayagan ng Iran ang ligtas, walang pagharang at mabilis na pagpapadaan sa Strait of Hormuz ng mga barko ng bansa.

Mahalaga aniya ito para matiyak ang energy security ng bansa at ang kaligtasan ng mga Pilipinong marino na sakay ng ating barko at dumadaan sa naturang passage.

Facebook Comments