CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng clearing operation ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) Gonzaga station matapos ang pananalasa ni Bagyong “Ofel”.
Nagresulta ang bagyo sa malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan kung saan ilang mga kahoy ang inanod at bahay ang sinira, kasama na ang tulay na nag-uugnay sa bayan ng Gonzaga at Sta. Ana.
Dahil dito, walang pinapayagang dumaan sa tulay dahil kinakailangan pa umanong tanggalin ang mga nakaharang na kahoy.
Ayon kay Jovyl Anne Balanza, station manager ng TFLC-QRT Gonzaga station, ang mga naturang kahoy ay naanod kasabay ng pagragasa ng tubig na nagdulot ng malawakang pagbaha sa lugar.
Dagdag pa nito, nasa apat hanggang limang kabahayan ang nasira dahil umano sa pagragasa ng tubig at sa kabutihang palad ay nasa maayos na kalagayan ang may-ari ng mga ito.