
Cauayan City – Sinimulan na ng Fuel Price Monitoring Task Force ng Cauayan City ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga gasulinahan sa Lungsod ng Cauayan.
Nitong araw ng Miyerkules, ika-11 ng Marso ay sanib-pwersa ang mga miyembro ng Task Force na kinabibilangan ng Business Permit and Licensing Office, City Treasury Office, Public Order and Safety Division, at Cauayan City Police Station sa pagbisita sa ilang gasulinahan sa lungsod.
Sa ginawang pagbisita, kanilang sinuri ang presyo at supply ng ibinebentang petrolyo, at muling ipinaalala ang ordinansang inilabas ng lgu cauayan katulad na lamang ng mahigpit na pagsunod sa tamang presyo, pag-iwas sa sobra-sobrang pagtaas, at hoarding ng mga consumer.
Sa panayam ng IFM News team kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi nito na araw-araw na ang magiging monitoring ng task force hindi lamang sa mga gasulinahan sa poblacion area kundi maging sa mga gasulinahan sa loob ng barangay.
Layunin ng monitoring na masiguro ang patas at tamang presyuhan ng petrolyo sa lungsod, at maiwasan ang mapanlamang na consumer sa pamamagitan ng pag-iwas sa hoarding.
Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala ng task force sa mga gasulinahan sa lungsod na sumunod sa umiiral na panuntunan upang maiwasan na mapatawan ng kaukulang kaparusahan.










