Nais pang paigtingin ng Department of Health ang pagsisikap ng tiyakin na madali at pantay ang access ng publiko sa mga bakuna ngayong ipinagdiriwang ang World Immunization Week sa ika-50 taon ng Essential Program on Immunization (EPI) tuwing huling linggo ng Abril kada taon.
Kaugnay nito, patuloy ang kampanya ng DOH Center for Health Development 1, UNICEF at ilang LGUs sa pagsasagawa ng Family Development Session upang mabigyang-diin sa mga magulang ang kahalagahan ng kumpletong bakuna ng mga sanggol na may edad 0-12 months.
Nauna na ring ipinahayag ni John Paul Aquino, mula sa immunization program ng DOH Regional Office 1 na matatawag na fully-immunized ang isang sanggol sa limang pagbisita sa mga health centers.
Dagdag niya, bagaman may natural immunity ang katawan ng tao, ito ay short acting lamang o hindi tumatagal. Kaya mahalaga ang pagbibigay ng bakuna sa mga sanggol upang magkaroon ng active immunity o pangmatagalang proteksyon.
Ilan sa mga paunang bakuna na tinuturok ay panlaban kontra diphtheria, polio, measles, rubella at pertussis na laganap sa kasalukuyan at tanging bakuna lamang ang lunas.
Hinihikayat ng kagawaran ang publiko na magpabakuna sapagkat ito ay ligtas at libreng makukuha sa mga health centers. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨