CAUAYAN CITY – Tinatayang hindi bababa sa 18 katao ang naiulat na nasawi habang dalawa naman ang pinaghahanap pa sa naganap na landslide sa Sulawesi island.
Ayon kay Mexianus Bekabel, Hepe ng Makassar Search and Rescue team, 14 na patay na katawan ang natagpuan sa Makale village, habang apat (4) naman sa South Makale.
Naganap ang trahedya matapos ang walang tigil na ulan gabi noong Sabado na nagresulta sa paglambot ng lupa at kalaunan ay pagguho nito.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang SAR ngunit pinapahirap umano ito ng kawalan ng communication lines, masamang panahon, at maya’t mayang pagguho ng lupa.
Ang Tana Toraja kung saan nangyari ang landslide ay isa sa pinaka dinadayo ng mga turista dahil sa pagkakaroon nito ng tradisyonal na mga bahay at wooden statue ng mga katawang nakabaon sa kweba na kilala bilang tau-tau.