
Cauayan City – Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa isinagawang First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw, ika-12 ng Marso bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng malalakas na lindol.
Sa isinagawang drill, agad na isinagawa ng mga empleyado at kliyente ng kapitolyo ang “duck, cover, and hold” procedure kung saan yumuko sila, nagtago sa ilalim ng matitibay na mesa, at kumapit hanggang matapos ang isinagawang isang minutong simulated shaking na hudyat ng sirena.
Matapos ang senyas ng pagtigil ng pagyanig, isinagawa rin ang maayos na paglikas mula sa mga gusali patungo sa mga itinakdang evacuation area.
Kasama rin sa mga isinagawang senaryo ang pag-activate ng incident command posts, search and rescue operations sa mga gumuho umanong istruktura, pagsusuri sa kalagayan ng mga gusali, at pagsasagawa ng simulated medical response para sa mga nasugatan.
Layunin ng aktibidad na pagtibayin ang kahandaan, kaalaman, at disiplina ng bawat Pilipino sa tamang pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Source: Isabela PIO










