Tuesday, January 27, 2026

𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗞𝗔𝗞𝗜𝗟𝗔𝗡𝗟𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗡𝗚𝗞𝗔𝗬 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗘𝗢, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗣𝗔 𝗥𝗜𝗡 𝗡𝗔𝗧𝗨𝗧𝗨𝗞𝗢𝗬

Cauayan City – Patuloy pa rin ang ginagawang pagsisikap ng San Mateo Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking natagpuang palutang-lutang at nakasabit sa nakatumbang punongkahoy sa irrigation canal sa Brgy. Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Jose Tamang, Deputy Chief of Police ng San Mateo Police Station, hanggang ngayon ay wala pa ring pagkakakilanlan ang natagpuang bangkay.

Aniya, natagpuan ng isang concerned citizen ang palutang-lutang na katawan ng biktima dahilan upang ireport niya ito sa mga awtoridad.

Sinabi ni PLT Tamang na noong makita ang biktima ay wala itong suot na pang itaas na damit, at tanging basketball shorts lamang ang kanyang suot. Wala rin umanong kahit anong mga gamit na maaaring makitaan ng pagkakakilanlan ng lalaki, maliban na lamang sa tattoo nito na “STEVE” sa kaliwa nitong braso.

Samantala, ang biktima ay tinatayang nasa edad 30-35-anyos at nasa 5’6 ang taas.

Dagdag pa nito, wala naman umanong senyales ng foul play sa katawan ng biktima. Maliban lamang rito ang iilang mga gasgas na tinamo ng biktima na posibleng nakuha nito sa mga debris habang siya ay nasa tubig.

Patuloy naman ang panawagan ni PLT Tamang sa publiko sa kung sino man ang nawawalan ng kaanak na mangyaring tumawag o bumisita sa kanilang himpilan upang beripikahin kung ang lalaking natagpuan nga ang kanilang kaanak.

Sa ngayon, nasa punerarya pa rin sa bayan ng San Mateo ang katawan ng biktima.

———————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments