Bahagyang tumaas ng halos kalahati sa dating presyo nito ang sibuyas sa ilang pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan sa gitna ng anihan nito.
Sa ngayon, pumapalo sa 70-100 pesos ang kada kilo ng pulang sibuyas mula sa 50-60 pesos kada kilo noong mga nagdaang linggo.
Bagamat anihan, apektado ang presyohan ngayon dahil hindi ito direktang mabibili sa mga magsasaka. Diumano, ito ay dumadaan muna sa mga cold storage facility.
Ang biglaang pagtaas ay siya namang ikinabigla ng mga mamimili kaya’t patingi-tingi na lang muna ang pagbili nila rito. Pangamba naman nila na baka magtuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo nito.
Samantala, paninigurado naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na sapat ang suplay ng puting sibuyas hanggang Hulyo, samantalang hanggang Nobyembre naman ang pulang sibuyas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨