
Cauayan City – Kinilala ang Police Regional Office 2 (PRO2) bilang Best Police Regional Office sa buong bansa, kasabay ng pagpapatibay ng mga programang nakatuon sa kapakanan at kalusugan ng kanilang mga tauhan.
Pinangunahan ng PRO2 ang aktibidad na nilahukan ng mga tauhan mula sa iba’t ibang yunit, kabilang ang Provincial at City Police Offices, Regional Mobile Force Battalion 2, at Regional Support Units, bilang bahagi ng pagsusulong ng Focused Agenda ng Philippine National Police sa Morale at Welfare.
Ayon kay PBGEN Antonio P. Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, ang pagkilalang natanggap ng kanilang tanggapan ay bunga ng matibay na samahan, disiplina, at sama-samang dedikasyon ng mga pulis sa Cagayan Valley sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa publiko.
Binigyang-diin din niya na ang pangangalaga sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga tauhan ay mahalagang salik upang mapanatili ang mataas na antas ng kahandaan at propesyonalismo sa hanay ng kapulisan.
Sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan at pagpapalakas ng ugnayan, patuloy na pinatitibay ng PRO2 ang kanilang papel bilang katuwang ng pamayanan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran, habang isinusulong ang serbisyong mabilis at tapat.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










