Home Luzon Cauayan 𝗣𝟭.𝟮𝗠 𝗡𝗔 𝗚𝗜𝗡𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗔𝗞𝗬𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗨𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗦𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗥𝗔𝗡𝗔𝗢 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡

𝗣𝟭.𝟮𝗠 𝗡𝗔 𝗚𝗜𝗡𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗔𝗞𝗬𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗨𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗦𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗥𝗔𝗡𝗔𝗢 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡

0
𝗣𝟭.𝟮𝗠 𝗡𝗔 𝗚𝗜𝗡𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗔𝗞𝗬𝗢𝗡, 𝗡𝗔𝗨𝗪𝗜 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗦𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗧𝗔𝗧𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗥𝗔𝗡𝗔𝗢 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡

Cauayan City – Patay ang tatlong maranao matapos pagbabarilin sa isang liblib na lugar sa Barangay Sta. Teresa sa bayan ng Lal-lo, Cagayan, kahapon, Marso 12, 2026, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa umano’y transaksiyon sa ginto na nagkakahalaga ng ₱1.2 milyon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Salic Amerol, Mutalib “George” Amerol, at Janisah Macud-Amerol, pawang residente ng Muslim Compound sa Tuguegarao City.

Ayon sa pamilya ng mga biktima, nagtungo ang grupo sa Lal-lo upang makipagkita sa isang indibidwal na umano’y nagbebenta ng ginto.

Limang katao umano ang umalis mula sa kanilang bahay bandang alas-8 ng umaga sakay ng Toyota Vios na pagmamay-ari ng mag-asawang Amerol.

Pagdating sa sentro ng Lal-lo, sinabi umano ng kanilang ka-transaksiyon na wala sa kanila ang ginto at kailangan pa itong kunin sa isang barangay na malayo sa bayan. Dahil dito, tatlo sa grupo ang sumama sa mga kausap patungo sa Barangay Sta. Teresa habang naiwan sa bayan ang dalawa nilang kasama dahil sa kakulangan ng espasyo sa sasakyan.

Ayon sa pamilya ng mga biktima, may dala umanong ₱1.2 milyon ang mga biktima na gagamitin sana bilang pambayad sa ginto.

Lumabas din sa salaysay na sinubukan umano ng mga suspek na balikan ang dalawang kapatid na naiwan sa sentro ng bayan gamit ang sasakyan ng mga biktima. Gayunman, nakapagtago ang mga ito at nakaligtas sa posibleng panganib.

Bandang ala-1 ng hapon nang matagpuan ng mga pulis ang mga bangkay ng mga biktima sa lugar ng insidente.

Agad ding naiuwi sa Tuguegarao City ang kanilang mga labi at inilibing kinabukasan.

Samantala, nanawagan naman ang pamilya at ilang lider ng komunidad sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa krimen.

Ayon kay Cagayan Police Provincial Director Police Colonel Mardito Anguluan, patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang pulisya upang matukoy at agad na mahuli ang mga suspek.

Tiniyak ni Anguluan na gagawin ng pulisya ang lahat ng hakbang upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima.

Facebook Comments