Napapakinabangan na ngayon ang Solar-Powered Water System sa Santiago Island, Bolinao, matapos itong pormal na pinasinayaan ngayong Pebrero.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Project Engineer Sally Ignacio ng District Engineering Office ng Unang Distrito, higit dalawang libong residente sa isla, partikular na sa Barangay Dewey ang makikinabang sa malinis na tubig na dala ng naturang water system.
Ayon pa kay Ignacio, ang tanke na ipinatayo ay kayang pumuno ng 20,000 litro ng tubig kung saan kinukuha ang suplay sa ilalim ng kalupaan sa pamamagitan ng 24-panel solar-powered system.
Dahil dito, inaasahang mas bababa ang water bill ng mga residente na nakakonekta sa mga pribadong water system bago ang konstruksyon ng nasabing proyekto.
Samantala, ₱9.8 milyong piso ang inilaan sa naturang proyekto na parte ng General Appropriations Act of 2023.
Inaasahan pa ng lokal na pamahalaan nito ang pag-extend sa naturang solar-powered system sa kalapit nitong mga barangay, upang magkaroon ng malinis at murang suplay ng tubig. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨