
Cauayan City – Nagbabala ang Social Security System (SSS) sa mga miyembro, employer, at pensioner nito laban sa mga scammer na nagpapanggap bilang mga empleyado ng ahensya, kasunod ng isang insidente ng panlilinlang na kinasangkutan ng isang media practitioner sa rehiyon.
Ayon kay SSS Vice President for Luzon North 2 Division Atty. Vic Byron T. Fernandez, nakatanggap ang ahensya ng mga ulat hinggil sa mga indibidwal na tumatawag sa mga miyembro ng SSS at nagpapakilalang mga Information Technology (IT) personnel.
Upang makuha ang tiwala ng kanilang mga biktima, binabanggit umano ng mga scammer ang eksaktong personal na detalye gaya ng buong pangalan, contact number, Social Security (SS) number, at tirahan ng miyembro.
Sa iniulat na insidente, inalok ng mga scammer ang biktima ng umano’y “technical assistance” at inutusan itong mag-download ng My.SSS mobile application.
Dahil dito, nagawa ng mga suspek na makuha ng access at makapag-withdraw ng pera mula sa e-wallet account ng biktima.
Ayon sa pahayag ni Fernandez, ang mga scammer ngayon ay hindi na lamang umano nanghuhula kundi may hawak na rin silang personal na impormasyon upang mas mapabilis ang kanilang mga modus operandi.
Nilinaw rin ni Fernandez na bagama’t hinihikayat ng SSS ang paggamit ng mga digital platform nito, hindi kailanman humihingi ang ahensya ng login credentials, password, o access sa online bank o mobile application ng isang indibidwal sa pamamagitan ng tawag sa telepono.
Ipinaalala rin niya na huwag basta basta ibibigay ang mga password ng bank accounts o e-wallet apps. Dagdag pa niya, ang nasabing insidente ay kombinasyon ng Vishing o Voice Phishing at social engineering.
Hinimok ng pamunuan ang sinumang makaranas ng kahina-hinalang tawag o maging biktima ng kaparehong panlilinlang na agad itong iulat sa SSS Special Investigation Department sa pamamagitan ng email na fid@sss.gov.ph, pagtawag sa (02) 8924-7370, o makipag-ugnayan sa lokal na mga awtoridad.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










