Cauayan City – Nagsagawa ng tattoo inspection para sa mga PNP Personnel ang Cauayan City Police Station kahapon, ika-24 ng Abril.
Ang inspection ay pinangunahan ni Cauayan City PS Chief of Police PLTCOL Ernesto Nebalasca Jr.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Chief Nebalasca, ito alinsunod sa ibinabang memorandum ng Philippine National Police hinggil sa mahigpit na pagbabawal ng pagkakaroon ng “visible tattoos” sa mga miyembro ng kapulisan.
Sinabi ni Chief Nebalasca na marahil layunin ng Memorandum na ito na mapanatili ang pagiging mukhang kagalang-galang ang mga kapulisan lalo na kapag nakasuot ng uniporme.
Dagdag pa nito, hindi talaga maganda sa paningin kapag may nakikitang tattoo sa katawan ng mga pulis habang suot-suot ang kanilang mga uniporme.
Samantala, ang mga personnel na mayroon ng tattoo sa kanilang katawan ay kinakailangang magsumite ng affidavit of undertaking na nagsasabing sila ay dati ng may tattoo bago pa man ibinaba ang kautusan.