CAUAYAN CITY – Nakatakdang mapatubigan ang nasa 12,000 ektarya ng palayan sa rehiyon dos bago magtapos ang buwan ng Hunyo bilang paghahanda sa wet cropping season.
Ayon kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), dahil sa mababang antas ngayon ng dam, inuna munang patubigan ang nasa 60,000 mula sa 90,000 ektaryang kanilang nasasakupan.
Ngunit dahil sa nararanasang mga pag-ulan at pagpasok ng rainy season, pinagaaralan na rin aniya nila ang pagbubukas ng Baligatan Diversion Dam na matatagpuan sa Ramon, Isabela.
Kung sakali ay mapapatubigan naman nito ang Ramon, Cordon, Santiago City, Diffun, Cabbaroguis, at Saguday sa Quirino.
Batay sa pinakahuling update, nasa 176 meters above sea level ang antas ng tubig sa dam, kung saan 138 cubic meters per second naman ang pinapakawalan para sa patubig.