Thursday, January 29, 2026

𝟯 𝗜𝗡𝗗𝗜𝗕𝗜𝗗𝗪𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗦𝗜𝗥𝗔𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗡𝗚𝗞𝗔 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗥𝗔𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡, 𝗡𝗔𝗜𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦

Cauayan City — Ligtas at nasa mabuting kalagayan na ang tatlong magkakamag-anak mula sa Calayan, Cagayan matapos masiraan ng sinasakyang bangka at nagpalutang-lutang sa dagat nang halos dalawang araw bago sila mapadpad sa baybayin ng Ilocos Norte.
 
Kinilala ang mga nailigtas ang magkapatid na sina Anthony Duerme, 25-anyos, Francis Duerme, 22-anyos, at ang kanilang tiyuhin na si Jay Duerme, 41.
 
Ayon kay Joe Robert Arirao ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calayan, pauwi na sana ang tatlo patungong Camiguin Island mula sa mainland ng Calayan noong Martes nang biglang masira ang makina ng kanilang bangka habang nasa kalagitnaan ng laot.
 
Dahil sa insidente, agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard, kapulisan, at MDRRMO-Calayan matapos iulat na nawawala ang tatlo. Gayunman, hindi sila agad natagpuan sa isinagawang paghahanap.
 
Bandang gabi, isang tawag ang natanggap ng kanilang mga kaanak sa Camiguin Island mula sa isa sa mga biktima, kung saan ipinaalam nilang ligtas silang lahat at nakahingi ng tulong sa mga residente ng Barangay Saoit, Burgos, Ilocos Norte.
 
Sa kasalukuyan, nasa bayan na ng Claveria ang tatlo at pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak bago tuluyang makabalik sa Camiguin Island.
 
—————————————
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan
 
Facebook Comments