𝟲𝟰 𝗠𝗘𝗔𝗟 𝗔 𝗗𝗔𝗬, 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗜𝗧𝗨𝗧𝗨𝗥𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗠𝗔𝗛𝗜𝗥𝗔𝗣- 𝗡𝗘𝗗𝗔

CAUAYAN CITY – Binabatikos hindi lamang sa online kundi maging ng ilang Isabelino ang sinabi ng National Economic and Development Authority na hindi na maituturing na mahirap ang mga Pilipino na gumagastos ng P21 per meal a day.

Sa panayam ng iFM News team kay Cristy Angangan, isang average wage earner sa syudad ng Ilagan, aniya hindi sapat ang P64 na budget para sa pagkain ng tatlong beses sa isang araw.

Diin pa niya kahit piso ay wala ng mabibili sa panahon ngayon dahil mismong candy ay ibinebenta ng tatlong piso para sa dalawang piraso.


Sinabi pa nito na ang mga pinagbasehang presyo ng NEDA para sa mga iprinesenta nilang produkto tulad ng payless na ayon sa NEDA ay nagkakahalaga lamang ng P7 ay panloloko sa bawat Pilipino.

Imposible na aniya sa panahon ngayon na makabili ng noodles sa halagang P7 at kung sakali man ay hindi naman maaari na instant noodles na lamang ang kanilang bibilhin at kakainin.

Hamon nito sa NEDA na subukang gumastos ng P21 para sa kanilang pagkain sa umaga, tanghali, at gabi upang malaman nila kung sapat ba ito.

Facebook Comments