₱1.015 TRILLION, INILAAN PARA SA DEPED NGAYONG TAON; ₱45.46 BILLION, PARA SA REHIYON UNO

Nasa 1.015 trillion pesos ang inilaang pondo sa Department of Education (DepEd) base sa inilabas na General Appropriations Act ngayong taong 2026.

Ang tanong, saan gagamitin at ano-anong proyekto at programa ang tutugunan sa ilalim ng pondong inilaan?

Sa isinagawang Usapang Budget Natin noong Sabado sa Bacnotan, La Union, inihayag na isa ang Deped sa mga sangay ng pamahalaan na nabigyan ng malaking halaga ng pondo ngayong taon at siyang pinakamalaking halaga sa kasaysayan ng ahensya.

Ilalaan umano ito sa pagpapatayo ng mga classrooms, learning materials, mga programang pang-nutrisyon, at iba pang pangangailangan ng mga guro at estudyante sa loob ng mga paaralan.

Kasama rin sa pondo ang karagdagang personnel at plantilla positions, Basic Education Curriculum, at maging disaster preparedness.

Sa Rehiyon Uno, nasa 45.46 billion pesos ang nakalaang pondo sa ilalim ng kagawaran na nakatuon din sa mga nabanggit na proyekto at programang mapakikinabangan ng mga guro at mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa rehiyon.

Facebook Comments