
Matagumpay na naaresto ng Taguig City Police Station ang lahat ng indibidwal na nakalista sa kanilang estasyon bilang Top 10 Most Wanted para sa buwan ng Pebrero ngayong taon.
Bago pa nito, nakapag-aresto na rin ang nasabing estasyon ng lahat ng nasa listahan ng Top 10 Most Wanted para naman sa buwan ng Enero.
Ang nasabing matagumpay na pagkaaresto sa mga indibidwal ay dahil na rin sa koordinadong manhunt operations sa pamamagitan ng implementasyon ng mga warrant of arrest para sa iba’t ibang kaso kagaya ng rape, robbery, attempted homicide, statutory acts of lasciviousness, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Taguig Chief of Police PCol. Julius C. Añonuevo, ang matagumpay na accomplishment nitong buwan ng Enero at Pebrero ay nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng kapulisan sa pagpapatupad ng mga warrant at paghahanap sa mga wanted na indibidwal.
Samantala, pinuri naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang mga kapulisan sa lungsod para sa pagpapanatili ng consistent na resulta sa kampanya ng lungsod para sa kapayapaan at kaayusan.
Ayon pa sa kanya, patuloy ang pagsuporta ng pamahalaang lungsod sa mga kapulisan para sa pagpapalakas ng mga programang may kaugnayan sa seguridad ng publiko.
Tiniyak naman ni Añonuevo na patuloy ang kanilang mga proactive operations at koordinasyon sa komunidad para sa pagpapanatili ng kaayusan sa buong nasasakupan ng mga barangay sa lungsod.










