Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa Kamara.
Sa botong 242 Yes, 6 No at zero Abstention ay nakalusot na sa pinal na pagbasa ang House Bill 6953 na siyang supplement measure at ikalawang stimulus package para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay mayroong ₱162 billion na standby fund sa Setyembre na may validity hanggang Disyembre.
Ang pondo ng Kamara sa Bayanihan 2 ay mas mataas kumpara sa ₱140 billion standby fund ng Senado.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay ₱51 billion na ilalaan sa capital ng mga government financial institutions para makatulong sa mga maliliit na negosyo.
Kabilang pa sa malalaking paglalaanan ng pondo ang ₱20 billion para sa cash-for-work-program sa mga displaced workers; ₱20 billion na pautang para sa mga programa sa mga magsasaka ng Department of Agriculture (DA); ₱10.5 billion para sa dagdag na hiring ng mga healthcare workers; ₱10 billion na subsidy para sa COVID-19 expanded testing at confinement sa ilalim ng PhilHealth; ₱10 billion para sa transportation; at ₱10 billion para sa pagbangon ng tourism industry.
Bibigyang direktiba rin ang mga government financial institutions na magbigay ng pautang, subsidiya, diskwento at iba pang grants para sa pagbili ng electronic gadgets na kakailanganin ng mga guro at estudyante sa ilalim ng distance at blended learning.
Magkakaloob din ng tuition subsidy para sa mga estudyante na hindi nakakatanggap ng educational subsidy mula sa gobyerno at nahaharap sa financial crisis.
Sa susunod na linggo ay inaasahang maisasalang na sa bicameral conference committee ang isinusulong na Bayanihan 2.