₱2.3 billion na 2023 budget ng OVP, nakalusot na sa plenaryo ng Senado

Lusot na sa plenaryo ang ₱2.3 billion na pondo ng Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon.

Sa budget deliberation ng OVP, hindi sumang-ayon si Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na mabawasan ang pondo ng OVP matapos na punahin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi nabawasan ang budget ng nasabing tanggapan sa ilalim ng inaprubahang committee report.

Muling inihirit ni Pimentel na tanggalin na ang ₱500 million na confidential fund sa ilalim ng OVP lalo’t marami aniyang ahensya ang nangangailangan ng parehong halaga ng pondo sa susunod na taon gaya na lamang ng Philippine Postal Corporation (PhilPost).


Giit pa ni Pimentel, bago lamang ang pagkakaroon ng confidential fund sa ilalim ng OVP at hindi rin justifiable ang paglalagak ng nasabing pondo sa OVP.

Pero tugon ni Angara, hindi siya pabor na bawasan ang pondo ng OVP at marami namang sources na maaaring mapaghugutan ng kinakailangang pondo ng PhilPost.

Aniya pa, ang OVP ang ikalawa sa pinakamataas na opisina sa bansa na nararapat na bigyan ng suporta at paggalang at hindi naman nakaugalian ang pagbabawas ng pondo sa OVP.

Katwiran pa ni Angara kaya tumaas ang pondo ng OVP ay dahil magtatayo ang opisina ng satellite offices sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan ₱150 million ang budget dito sa kada satellite office.

Magkagayunman, maghahain pa rin si Pimentel ng mosyon para alisin na ang ₱500 million na confidential funds sa pagsalang ng budget sa ‘period of amendments’.

Facebook Comments