₱23 bilyong pondo ng pamahalaan, pagkukuhanan ng ayuda para sa mga apektado ng isang linggong ECQ

Tiniyak ng pamahalaan na may ayudang matatanggap ang mga kababayan nating nawalan ulit ng trabaho ngayong umiiral ang isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Senator Bong Go na nasa ₱23 bilyon pa ang tirang pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 o Republic Act No. 11494 kung saan dito maaaring hugutin ang tulong na ipagkakaloob sa ating mga kababayan.

Ani Go, napag-usapan na sa Inter-Agency Task Force (IATF) na may 2 opsyon na maaaring pagpilian kung saan ibibigay ang in-kind assistance direkta sa mga Local Government Unit (LGU).


Sa ngayon, hinihintay na lamang ang pinal na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ang ibibigay na in-kind assistance ay ipagkakaloob kada pamilya o kada indibidwal.

Ang mahalaga aniya sa ngayon ay mabigyan ng tulong ang ating mga kababayan upang walang magutom sa panahon na umiiral ang isang linggong lockdown.

Facebook Comments