
Kaugnay ng paggunita ng Autism Consciousness Week, isinulong ni Bacolod City Representative Albee Benitez ang panukalang magbigay ng ₱4,000 buwanang stipend sa mga pamilyang may miyembro na may autism.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 3379, na nag-uutos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magtatag ng Autism Support Allowance Program para sa regular na tulong-pinansyal sa mga persons with autism (PWA).
Kasama rin sa panukala ang Libreng developmental assessment para sa mga bata hanggang limang taong gulang, Libreng occupational, speech, at behavioral therapy sa mga ospital ng Department of Health (DOH), Libreng gamot para sa mga benepisyaryong may Level 3 Autism.
Ayon kay Benitez, mahalaga ang naturang suporta dahil maraming pamilya ang hindi kayang tustusan ang initial consultations na nagkakahalaga ng ₱4,000 hanggang ₱5,000 kada session.
Bukod pa rito ang gastos sa therapy at iba pang interventions na umaabot sa ₱1,000 kada session, na kailangang gawin ng apat hanggang limang beses kada linggo.
Tinatayang 1.2 milyong Pilipino, kabilang ang 350,000 mga bata, ang kasalukuyang may autism sa bansa, ayon pa kay Benitez.










