Pinangunahan ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) ang operasyon katuwang ang City Intelligence Unit (CIU), Police Station 2, at PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1 (DEG SOU1), sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA-RO1).
Kinilala ang mga naarestong suspek bilang isang 37-anyos na babae na residente ng Mangaldan, Pangasinan at dating naninirahan sa Valenzuela City, at ang kaniyang 49-anyos na kasamang residente ng Lingayen, Pangasinan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang pitong pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 863 gramo at tinatayang standard drug price na ₱5,868,400.
Nakuha rin sa operasyon ang isang digital weighing scale, dalawang cellular phone, iba pang ebidensya gayundin ang marked money at boodle money na ginamit sa transaksiyon.
Samantala, nailigtas at naalagaan din ng mga awtoridad ang dalawang taong gulang na anak ng isa sa mga suspek na naroroon sa lugar nang isagawa ang operasyon. Agad itong ipinagkatiwala sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Police Station 2 para sa nararapat na pangangalaga at tulong, katuwang ang mga kinauukulang social welfare authorities.
Matapos ang operasyon, dinala ang dalawang suspek sa Region 1 Medical Center sa Bonuan Binloc, Dagupan City para sa mandatory medical examination bago inilipat sa DCPO para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng pagbebenta at pamamahagi ng ipinagbabawal na droga laban sa dalawang suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







