Friday, November 6, 2026

TUBONG MANGALDAN, PANGASINAN, PASOK SA TOP 10 NG CPA LICENSURE EXAMINATION

Isang panibagong karangalan ang hatid ng isang dalagang Pangasinense matapos makabilang sa mga nangungunang examinees sa katatapos na Certified Public Accountant Licensure Examination o CPALE.

Siya si Razilee Panday De Vera, 22-anyos na tubong Barangay Bantayan, Mangaldan, Pangasinan, na nakasungkit ng ikapitong puwesto sa Top 10 matapos makakuha ng 90.67 porsiyentong rating sa naturang pagsusulit.

Sa kabila ng libu-libong examinees, namukod-tangi ang kaniyang husay at kaalaman sa larangan ng accountancy, na muling nagbigay-pagkilala sa kakayahan ng mga kabataang Pangasinense.

Si Razilee ay anak nina Reynaldo De Vera, isang mechanical supervisor, at Anita Panday De Vera, na isang jeepney operator.

Bago pa man makamit ang tagumpay sa CPALE, naipamalas na rin ni Razilee ang kaniyang kakayahan sa larangan ng accounting.

Noong Marso 20, 2026, kabilang siya sa 25 finalist sa ika-27 Search for Outstanding Accounting Students of the Philippines, kung saan nakamit niya ang ikalawang puwesto sa Grand Finals.

Ang kaniyang sunod-sunod na tagumpay ay patunay ng dedikasyon, pagsisikap at patuloy na paglinang ng kaalaman upang maabot ang mga pangarap.

Isang inspirasyon hindi lamang sa kaniyang pamilya at komunidad kundi maging sa mga kabataang nangangarap na balang araw ay makamit din ang kanilang mga mithiin.

Sa bawat pagsusulit na nalalampasan at bawat hamong hinaharap, pinatunayan ni Razilee na ang tagumpay ay bunga ng tiyaga, determinasyon at paniniwala sa sariling kakayahan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments